SMB NILAGLAG ANG GINEBRA

Sasagupain ang TNT sa semis
Ni VLADI EDUARTE


Kumpleto na ang Final Four cast ng 2008-09 KFC PBA Philippine Cup, matapos maitakas ng San Miguel Beer ang kapana-panabik na come-from-behind 98-93 win laban sa sister team Barangay Ginebra sa sudden-death game sa Cuneta Astrodome kagabi.

Parang natulala ang Gin Kings mula sa kalagitnaan ng third period hanggang fourth nang walang magawang solusyon habang unti-unting naglalaho ang naipundar nilang 21-puntos na kalamangan.

Napatingala na lamang sina Beermen Anthony Washington at Dorian Peña habang kumakana ng one-handed jump shot si Chris Pacana ng Ginebra Kings sa tagpong ito sa game 3 ng PBA quarterfinals kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City. (John Paulino)


Nalubog sa 62-43 pero hindi nasiraan ng loob ang Beermen ni coach Siot Tanquingcen. Mula sa six-minute mark ng third, naglunsad ng 26-8 atake ang San Miguel na inangklahan ng tigalawang 3-pointers nina Dondon Hontiveros at Lordy Tugade para tapusin ang period na kumakatok na sa pintuan ng Kings, 70-67.

Nang makumpleto ni Hontiveros ang three-point play mula sa foul ni Sunday Salvacion, sa unang pagkakataon sa laro ay lumamang ang San Miguel 75-74 may 8:43 pa sa laro.
Pagkatapos ng apat na mintis at apat na offensive rebounds, nabasag ang pang-apat at huling deadlock nang pumasok ang pabitin na tira ni rookie Bonbon Custodio na naglagay sa SMB sa unahan, 87-85.

Napuwersa sa tatlong magkakasunod na turnovers ang Kings na sinamantala ng Beermen sa pag-arangkada ng 9-2 run para iguhit ang pinakamalaking bentahe nila sa laro, 96-87, 72 tikada na lang.

Dumikit pa ang Kings sa 96-93 sa tres ni Salvacion 11.5 seconds pa, pero nang sumablay ang ikalawang foul shot ni Hontiveros ay napulot naman ng kakampi nitong si Marc Pingris ang long rebound bago nagpasok ng isa pang free throw para sa pinal na iskor.

Tumapos si Hontiveros ng 34 points, kapos ng isa sa kanyang career-high na naitala noong Biyernes lang, sa likod ng 6-of-11 shooting mula sa 3-point arc, habang nag-ambag ng 13 points si Custodio at may 11 si Tugade. May tig-pitong boards sina Hontiveros at Custodio.
Hindi pa sigurado kung makakapaglaro si Olsen Racela sa unang game ng best-of-seven semis ng SMB kontra Talk N Text sa Miyerkules ng 7:30 pm sa Araneta Coliseum dahil natawagan ito ng flagrant foul two at na-eject tatlong minuto pagkatapos ng opening tipoff.
Sumingit ang paa ni Racela sa babagsakan ni Helterbrand na tumira mula sa rainbow arc kaya napalabas ng laro.

Sisiklab na rin ang hiwalay na serye ng No. 1 Alaska at Sta. Lucia Realtors na magtatagpo sa unang game ng 5 pm.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments: